|
Sa
tuwing babalik ako sa pagkakawalay sa lupang sinilangan at sa pinakamamahal
kong laro, sagana ako sa pasalubong para sa mga kababayan: Economy
Size na pag-unawa, Family Pack na pasensiya at simpatyang Buy 1
Take 1. Kaya nang batiin ako ng aking mga kabaranggay nang isang
masigabong “Heto na! Nagbalik na ang Pilosopong Tsismoso! Marami
na naman tayong madidinig na malalalim na reklamo,” ako ay napangiti
lamang. Nang nagkainuman nitong nag-Santa Crusan may nakapagtanong,
“P’re, ano’ng sipat mo sa rambulan ng BAP at SBP?” Ako ay muling
ngumiti, “Hayaan mo sila, kakayanin nilang ayusin ‘yan,” sabay tagay.
Hunyo na, at para yatang itinadhana
na sabay ang pagkaubos ng aking mga pasalubong at ang pagtatanghal
ng kongreso ng SBP. Kaya hindi lang ako ngayon medyo asarin na,
may mga pangyayari pang dapat talagang kaasaran. Malaki at marami
ang inasahan mula sa SBP buhat nang ipinuwesto ni Manny Pangilinan
si Pato Gregorio bilang pinuno ng SBP. Inasahan na magkakaroon ng
pakay na may buhay at sistema na may saysay ang basketbol dito sa
Pilipinas. Inasahan na magkakaroon ng tunay na kahulugan ang mga
katagang “para sa ikauunlad ng laro at ikararangal ng bayan.” Nguni’t
ang mga umasa ay nabigo. Hindi luminaw ang dikersiyon na dapat tahakin.
Ang luminaw lamang ay kung sinu-sino ang kakampi at kaaway ng SBP
at kung sino ang mga balimbing.
Hindi pwedeng ikaila na malaki ang
naging pagkukulang ng BAP noong panahon nila, nguni’t tunay na nakapanghihinyang
na winaldas ng SBP ang pagkakataon ng panibagong panimula. Ibang
lingguahe ang binibigkas ng pamunuan ng SBP kaya hindi nila naipahayag
nang maigi sa mga dapat paliwanagan ang kanilang mga nagniningning
na pangarap. Hindi nila nakuhang ibenta and kanilang mga ninanais
para lahat ay tumaya nang lubusan. May pwesto dito sa talipapa namin
na nagtitinda ng bananaque, turon at samalamig. May nakapaskil ditong
Vision-Mission Statement. Ang lakas ng benta. Buong puso kong inirerekomendang
maging consultant ng SBP ang may-ari nito. Makakamenos pa sa pa-merienda
sa mga miting.
Higit pa sa laro, ang basketbol sa
Pilipinas ay negosyo ay hanapbuhay. Negosyo sa mga nangangapital
at hanapbuhay sa mga nagpapatakbo. Higit pa sa laro, and basketbol
ay industriya. Isang industriya na puno ng mga taong tumanda na
sa basketbol, mga “old schoolers” ‘ika nga. Hindi porke’t kayo na
ngayon ang nasa poder ay pwede na ninyo silang mandohan. Dahil sa
maniwala kayo o sa hindi, kapag ang mga nagkagulang na sa pagco-coach
at ang mga nagayot na sa pagre-referee ay nabanas sa inyo, kahit
anong klaseng pamumuno ang gawin ninyo, walang iba pang susunod
sa inyo kundi ang mga sipsep na lamang.
Kapag ang mensahe na natangap ng isang
mahigit dalawangpung taon nang nagco-coach ay “Luma na ang mga alam
mo. Kung gusto mo talagang makatulong, magpasailalaim ka sa amin
at tuturuan ka namin ng mga makabagong paraan. ‘Nga pala, ang magtuturo
sa ‘yo ‘yung dating tatanga-tangang player mo na malakas ang kapit
sa amin,” anong klaseng kooperasyon ang aasahan mo sa kanya? O kaya,
kapag ang intindi ng isang labingwalong taon nang nagre-referee
ay “Hindi mo alam ang lahat ng mga bagong patakaran. Iba na ang
sukatan ngayon kaya kailangan magpasailalim ka sa amin para maturuan
kang mabuti. Pagkatapos nga pala, kahit hindi kami ang autorisadong
magbigay ng lisensiya sa ‘yo, bibigyan ka namin ng lisensiyang kikilananin
sa pangkalawakan,” anong gana ang maipapakita niya?
Karamihan sa mga ito ay wala lang
imik dahil umaasa sila sa industriyang ito para sa kanilang ikabubuhay.
Ang pwede lang pumalag ay ‘yung may ibang pagkukunan ng panustos.
Siguradong napansin na rin ito ng SBP, na sa hindi katagalan ay
naging “lame duck” ang pinuno, o sa Tagalog, baldadong pato. Tapos
ngayon, may bagong luklok na pinuno, si Noli Eala, na sa halip na
may bitbit na bagong pag-asa ay nakapagpataas lamang ng mga kilay.
Ang pakay daw ng mga nagpwesto ay para matutukang mabuti ang FIBA.
Mas type daw ni Baumann ang morenong matipuno kaysa maputlang patpatin.
Ang pakay naman daw ng tumanggap ng pwesto ay para makaposisyon
na sa susunod na eleksiyon. Sabi-sabi lang naman ‘yan dito sa aming
barangay.
Namputsa talaga! Heto na naman tayo!
Meron kaya sa Duty Free ‘nung nalimas ko nang pasalubong?
|