|
Mayroon
nag-forward sa akin ng isang video sa YouTube ng umano’y coach na
pinanggigilan ang kanyang mga manlalaro. Sa aking paningin ay may
ilan sa mga ito ang pinagsasampal niya sa galit. Medyo malabo na
rin kasi ang aking mga mata kaya baka naman napansin niyang masyado
nang pawisan ang mga ito kaya ipinasya niyang tuyuin sila sa pamamagitan
ng sapok.
Itong coach na ito ay katangi-tangi
dahil siya ay nakapagpa-champion ng kanyang mga koponan sa NCAA
at NAASCU nang sabay. Mukhang pinagpahinga muna si coach dahil sa
patong-patong na kontrobersiya. Siya na nga ang itinuturo ng iba
na pasimuno sa mga anomalya ng “age-fixing” sa NCAA, ngayon kumalat
pa sa internet ang ebidensiya ng kanyang mga paglalambing.
Sang-ayon ako sa desisyon ng PCU na
huwag munang sumali sa NCAA noong isang taon. At sang-ayon din ako
sa desisyon ng NCAA na bilang kapalit ng penitensiya ng PCU ay huwag
nang ungkatin pa ang mga nakaraang katiwalian nito. Pero sabi nga
ng isang tanod dito sa barangay namin, “Ser, onli in da Pilipinas!
Mula grade school dumiretso sa college. Ni hindi man lang nakatikim
ng kahit isang araw ng high school. Champion, Rookie of the Year
at MVP pa. Ngayon, PBA star na.” Huling season na raw ito ng PCU
sa NCAA. Sa ibang liga na lang daw sila makikilaro. Sa mga hindi
masyadong dalubhasang magbulatlat ng mga baho.
Sa NCAA, nagkameron na ng usapang
lalaki na wala nang magpapaputok bigla ng TRO tulad noong isang
taon. Ito ang naging bunga nang i-suspend ang isang Red Lion na
nagpa-draft daw sa PBA nang walang pahintulot. Ang kasunduaang ito
ay nabuo pagkatapos na muling ma-disqualify ang isang Red Lion dahil
sangkot daw ito sa bestselling PCU Scandal na available na raw on
DVD clear copy. Ang disisyon na ito ng Mancom ay isinantabi naman
ng Board at biglang pwede na palang maglaro itong Red Lion na ito.
Para naman yatang sinampal makailan ang Mancon sa pagbaligtad na
ito. Nag-Mancom ka pa! Eh, brasuhan lang naman pala ang manyayari
sa itaas.
Habang pinapanood ko ang finals ng
FilOil-Flying V Tournament nitong nakaraan, hindi maalis-alis sa
isip ko kung gaano kaswerteng nilalang ang coach ng San Beda. Magmana
ka ba naman ng isang champion na koponan na hinog na hinog na. May
isang litrato akong nakita mula sa huling season ng NCAA kung saan
si coach ay binubuhat ng kanyang mga manlalaro at lahat sila ay
mukhang halos mabaliw sa saya. Ang larawan na ‘yon ang kwento ng
buong season nila. Buong season pinasan ng mga manlalaro ang menos
pa sa galing nilang coach. Sa lakas ng koponan nila ay pinagmuntikanan
pa silang malaglag. Sa mga oras ng kagipitan, ang mga manlalaro
ang nagsalba ng natutulalang pang coach.
Nag-champion ang UE sa FilOil-Flying
V Tournament dahil kumawala si Paul Lee sa 4th Quarter. Nag-umpisa
sa isang 3-point play, tapos LIMANG sunod-sunod na tres at dalawang
pahabol na free throw. Beinte. Beinte puntos sa isang quarter! Dikit
ang laro tapos magpapakatay ka sa isang galing sa bankong manlalaro?
Dito sa amin, kapag nakadalawang magkadugtong na tres ka, pinapayuhan
ka nang huwag na man lamang sumubok pumukol muli kundi mayroon nang
mangyayaring ‘di kanais-nais sa ‘yo. Anong klaseng coaching naman
‘yan? Si Kobe Bryant ba ‘yan na kahit anong depensa ay kayang lusutang
mag-isa, o hindi lang talaga kinayang basahin ng coach ang sitwasyon
kaya hindi nakapag-adjust? Malayo kasi ang upo ni Kuya kaya hindi
naagapang mabulungan si Bunso.
|