Gameface.ph
  
Ang Tuta ni Mang Bastian
07/16/08


May mga kapitbahay akong nagkasamaan ng loob nitong nakaraang linggo dahil lamang sa isang tuta. Ang aso ni Mang Bastian ay nanganak at isa sa mga tuta na pinangalanang Simba ay pinag-agawan dahil sa ganda ng tikas at tindig nito. Marami ang nag-alok bilhin si Simba pero ang proklamasyon ni Mang Bastian ay ibibigay lamang niya ito sa karapat-dapat, na walang bayad. Si Simba ngayon ay na kina Ateng Norma na. Tuwang-tuwa ang matanda kapag ipinapasyal nito ang tuta paikot sa sitio namin tuwing hapon. Si Kumareng Rosal naman ay nagngingitngit tuwing makikita ang mag-among naglalamyerda. Sabi ni Rosal, “Hipokrito talaga ‘yang si Bastian! Hindi raw siya tatanggap ng pera para sa tuta, makahanap lang daw ng matinong mag-aalaga. Lahat naman kaming may gusto ay nag-alok, wala nga lang umaamin kung magkano. Tapos kay Norma napunta. Bakit, sila Norma lang ba ang may magandang bakuran at kayang magpakain ng mamahaling dog food? Inaamin ko na isa ako sa pinakamataas ang tawad, mil kinyentos. Ang nakakabanas ay kung bakit ayaw pa aminin ni Bastian na mas mataas ang ibinayad ni Norma? Parang nakakaloko ‘yang gurang na ‘yan, ah. Dapat SimBAYAD ang itawag diyan sa tutang ‘yan dahil nakumpleto na ang bayad!”

Nitong huling paghaharap namin ng mga tsokaran ko dito sa barangay namin ay may nakapagbanggit kung sino ang naging MVP nitong katatapos pa lamang na Nike Summer League. Sa aking pakiwari ay hindi ako nag-iisa na nangunot ang noo. Hindi ko maiging nasubaybayan ang ligang ito pero kahit ang mga nakuhang tumutok dito ay parang hindi kumbinsido. Bakit siya? Statistics ba ang naging basehan? O kumbinasyon ng stats at mga puntos para sa hustle at impact? Sino kaya ang mga bumoto kung may botohan mang nangyari? Napilitan tuloy akong magsaliksik at ang bunga ng pagod ko ay ito: malilito ka lamang kapag sinubukan mong intindihin ang mga statistics sa website ng Nike dahil marami rito ang hindi kapanipaniwala lalo na ang mga shooting percentages na hango sa made at attempted shots. Ang kumuha ng stats sa laro o kaya ang nag-encode ang may diperensiya kaya parang mga pawang imbento lamang ang mga ito. Buti na lang may naawa sa akin at ipinaliwanag na sa buong koponan ng MVP, siya ang may pinamalaking kontrata sa Nike. Sa madaling salita, hindi pala naging mahirap ang desisyon ng tagapagbigay ng award, tama man o mali ang stats.

Tinambakan ng San Beda ang Mapua nitong opening ng NCAA. Dahil malaki na nga ang agwat ay nakuhang ipasok ang mga bangkong manlalaro ng San Beda. Ipinasok itong isang gwardiya na hindi ko talaga maintindihan kung bakit binigyan pa ng pwesto sa koponan. Ang bansag namin sa gwardiyang ito ay si “Take One” dahil bagama’t galing ito sa San Beda High School ay naglaro muna sa FEU sa bisa ng isang package deal kasama ang higit niyang magaling na Kuya na si “Buy One.” Madaling makalimutan itong manlalarong ito dahil may pagkabano nga at malimit paglaruin, pero tangay pa rin siya ni Kuya sa pagkapanalo ng championship sa UAAP. Hinahabol yata ng San Beda na sa kanila manggaling ang kauna-unahang manlalarong manalo ng kampyonatong UAAP at NCAA. Kaya siguro maluwag sa loob nilang pakawalan ang isang higit pang magaling na LA Revilla. Baka naman balak din nilang bawiin si Revilla kapag nag-champion na naman ang La Salle.

Kung ang coach ng San Beda ang pinakaswerteng nililalang sa NCAA, ang coach ng UST ang pinakaswerteng nilalang sa UAAP. Siya rin ay nagmana ng hinog na hinog na koponan at, magalit na ang magagalit, nadagdagan pa ang suwerte niya nang ma-injure nang maaga ang star player niya na may topak at hindi na nakapaglaro ng buong season. Kung hindi na-injure itong manlalarong ito, hindi nag-champion ang UST noong 2006. Pero ang pagkakaiba nitong coach na ito sa coach ng San Beda ay buong puso siyang naniwala na siya, at tanging siya, ang dahilan ng kanilang kampeonato. Sa labis na paniniwala niya sa sarili niya ay binago niyang lubusan ang paghahandang ginawa ng koponan bago siya naging coach. Ang resulta ay nakakalungkot na kasawian. Ayaw pa kasing ibulgar kung ano talaga ang tatlong “P” ng kanyang pilosopiya: PORMA, PABORITO at PIKON. Dapat PORMAng head coach lagi para hindi halata na ang assistant coach naman talaga ang marunong at siyang nagsusumikap magbigay saysay sa koponan. Ang mga PABORITO ang pilit na ibababad at sa kanila lagi ang daloy ng bola kaya sila na ang bahalang magpanalo ng laro at wala nang adjustment pang kailangang gawin. Kunwari palaban para hindi halatang PIKON na kapag natatalo ay naghahamon ng suntukan at naninisi ng ibang tao.


Visitor count:
Copyright © 2005 - 2012. Gameface.ph
Follow us on:
Google
 
Web www.gameface.ph